MAY 2 #TEDDYDAY: Sumusuporta ang Anakbayan-Toronto sa Migrante at kay Teddy Casiño

(Ibinahagi sa gabi ng pormal na paglunsad ng Migrante Partylist-Canada sa Marcelina’s, Toronto ika-16 ng Marso, 2013 ni Ysh Cabaña ng Anakbayan-Toronto)

554899_520603117977937_1611220431_n

Mga kasama, kawani, estudyante, mga kapatid, mga kaibigan at bisita, isang maalab na pagbati mula sa kilusan ng mga kabataang Filipino sa Canada!

Buong pusong sumusuporta ang Anakbayan-Toronto sa paglahok ng Migrante Partylist at ni Teddy Casiño sa halalan sa Pilipinas sa darating na Mayo ng taong kasalukuyan. Kasali kami sa paglahad sa MSP bilang pasaporte natin sa Kongreso. Kalahok rin kami sa pagtakbo ni Teddy Casiño bilang boses ng karaniwang tao sa Senado.

Batid naming mga kabataan ang suliranin ng mga migranteng Filipino. Maging kami ay nakararanas din ng mga problema at paghihirap mula sa pagkakahiwalay ng aming pamilya bunga ng matinding kahirapan sa Pilipinas.

Ngunit malaking pabor sa rehimeng Aquino ang malawakang pag-eeksport ng lakas paggawa. Patuloy ang pagdagsa ng ating mga kababayan dito sa Canada dahil sa kakulanganan sa pagbibigay ng sapat na kabuhayan at paglunsad ng pambansang industriyalisasyon. Walang dudang malaking pakinabang ang remitans mula sa mga OFW. Bunga ng palisiyang ito ang pag-ebolb ng bansa bilang susunod na ‘tiger economy’ syempre sa balangkas ng patuloy na pandaigdigang krisis. Banggit nga ng ilan, sigurong sa tatlong araw na ‘di magpadala ng remitans ang mga migrante ay labis na babagsak ang ekonomiya ng Pilipinas.

Marami pa ring kinahaharap na hamon ang mga migrante, na karamihan ay mga babae at mga kabataan. Kaya hindi lang tayo nagbabakasakali tulad ni Carly Rae Jepsen sa kanta nyang “Call Me, Maybe”: I threw a wish in the well / Don’t ask me, I’ll never tell I looked to you as it fell / And now you’re in my way dahil sigurado tayo na sa sama-sama nating pagkilos at walang sawang pangangampanya para sa Migrante at kay Casiño ay maitatama natin ang daan tungo sa tunay na pagbabago sa ating bansa.

Sa mga panahong umalpas, napatunayan natin ang serbisyong walang pag-aalinlangan, may eleksyon man o wala, nasa pwesto man o hindi.

Subalit, ito ang ating pagkakataon upang mas palawakin pa ang pagtataguyod ng karapatan at kagalingan d’i lamang ng kasalukuyang migrante, kundi ng mga susunod na henerasyon ng mga Filipino mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan: manggagawa, magsasaka, kababaihan, propesyunal, kawani, kabataan, maralitang tagalungsod, pambansang minorya, atbp. Kagyat na nararapat na pausarin natin ang pagluklok ng boses ng mga migrante sa Kongreso.

Magkita-kita tayong muli sa tagumpay. Mabuhay ang Migrante Sectoral Partylist #96 sa balota. Mabuhay si Teddy Casiño #6 sa balota. Mabuhay ang migranteng manggagawang Filipino.

481354_519911714713744_1241145289_n

%d bloggers like this: